Malayo ka pa lang, naririnig na ang tunog ng iyong anik-anik—bongga na talaga!
Sa mga panahong ito, muling nauuso ang kung anu-anong anik-anik sa mga kabataan at pati na rin sa mga kabataang at heart. Makikita ito sa iba’t ibang klase ng mga palamuti na isinasabit nila sa kanilang mga pantalon, bag, at kahit saan pa. Ang mga anik-anik na ito ay nagiging bahagi na ng personal style ng bawat isa, nagbibigay ng dagdag na kulay at buhay sa kanilang pang-araw-araw na fashion. Isa itong paraan ng pagpapahayag ng kanilang mga personalidad at pagiging malikhain sa pamamagitan ng mga maliliit na detalye.
Mula sa maliliit na keychains, mga kakaibang brooch, hanggang sa mga ribbons, iba’t ibang klase ng anik-anik ang makikita sa bawat sulok ng mga kalsada. Para sa mga kabataan, ang mga anik-anik na ito ay hindi lamang basta palamuti, kundi bahagi na ng kanilang kultura at pagkakakilanlan. Para bang kapag wala kang nakasabit na anik-anik, parang may kulang sa iyong overall na hitsura.
Noong dekada ’90, isa sa mga tumatak na personalidad na nagpauso ng mga anik-anik ay si Jolina Magdangal. Ang kanyang makukulay at accessories ay naging iconic, at halos lahat ng kabataan noong panahon niya ay ginaya ito. Mapa-hair clips, bracelets, o keychains—sikat na sikat ito at naging simbolo ng pagiging “cool” noong mga panahon iyon. Ang istilong ito ni Jolina ay hindi lamang isang fashion trend, kundi isang pahayag na maaari mong ipakita ang iyong sarili sa kakaibang paraan.
Ngayon, makalipas ang ilang dekada, tila bumabalik ang mga anik-anik. Ang mga kabataan sa kasalukuyan ay muling niyayakap ang ganitong uri ng fashion statement. Sa kabila ng modernong teknolohiya at mabilis na takbo ng buhay, may kakaibang halina pa rin ang pagbabalik sa mga simpleng palamuti na nagbibigay ng dagdag na saya at personalidad sa kanilang kasuotan.
Ang pagbabalik ng mga anik-anik sa kasalukuyang panahon ay patunay na ang mga bagay na minsang nauso ay pwede muling magiging popular. Ngunit higit pa sa uso, ang mga anik-anik ay simbolo ng ating patuloy na pagpapahayag ng sarili at pagiging malikhain. Ang mga ito ay tila nagsisilbing tulay sa pagitan ng nakaraan at kasalukuyan, at nagbibigay sa atin ng pagkakataon na balikan at ipagpatuloy ang mga bagay na minsan ay nagbigay sa atin ng saya at kulay sa ating buhay. Kaya, sa susunod na maglalakad ka sa kalsada, huwag magtaka kung makita mo ulit ang mga anik-anik na bumabalik at nagbibigay ng dagdag na ganda sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Follow us on:
Facebook: DWAN 1206 AM
YouTube: @dwan.1206am
TikTok: @dwan1206am
Twitter: @dwan1206am_
Instagram: @dwan1206am
Digital TV: Channel 13