IBCTV13
www.ibctv13.com

FILIPINO CUISINE, IBA NA NGA BA?

By: Alyianna Rei Dantis
Sa mga nagdaang taon, malaki ang naging pagbabago sa paraan ng pagluluto at pagtangkilik ng mga Pilipino sa sarili nilang mga pagkain. Hindi na lamang basta lutong-bahay ang mga pagkaing Pinoy—ngayon, mas pino, modern, at nakaangat na ito sa global culinary scene.
Nariyan pa rin ang mga paborito nating adobo, sinigang, at kare-kare, pero binibigyan na ito ng mga makabagong twist ng mga lokal na chef.
Halimbawa, ang adobo ay hindi na lang niluluto gamit ang tradisyunal na toyo at suka; may mga chef na gumagamit ng mga unique ingredients tulad ng coconut cream o iba’t ibang uri ng meats tulad ng duck o lamb. Ang mga simpleng ulam ay binibigyan ng bagong buhay, pinapaganda ang plating, at ginagawang gourmet para sa mga fine dining restaurants.
Biro nga ng ilan, ang dating 60 pesos per order ngayon ay 500 o mas mataas pa per order.
Kasabay ng culinary innovation, dumarami ang mga restaurants na tumatangkilik sa farm-to-table concept. Ang mga chef ngayon ay mas nagiging conscious sa sustainability kaya’t mas pinipili nila ang lokal na produkto. Ang mga fresh vegetables, heirloom rice, at organic meats ay nagiging staple sa mga menus, hindi lang para magbigay ng kakaibang lasa kundi para na rin suportahan ang mga lokal na magsasaka.
Hindi lang sa Pilipinas umaangat ang Filipino cuisine, pati na rin sa ibang bansa. Dumarami ang mga Filipino restaurants abroad na sumisikat dahil sa kanilang mga modernong atake sa ating mga tradisyonal na pagkain.
Dito pumapasok ang mga international Filipino chefs na patuloy na ipinapakita sa mundo kung gaano kasarap at kasing-yaman ng kultura ang pagkain ng Pilipinas. Ang ating mga paboritong ulam tulad ng lechon, sisig, at halo-halo ay pinapalabas na bilang world-class dishes.
Sa kabila ng modernisasyon, nananatili ang pagmamahal ng mga chef sa mga lokal na sangkap. Ang paggamit ng native ingredients tulad ng calamansi, ube, at mga lokal na isda ay nagpapakita ng ating pagpapahalaga sa sariling atin. Kahit sa mga international dining tables, ang mga sangkap na ito ay dumarating na bilang bahagi ng unique identity ng Filipino food.
Ang culinary evolution sa Pilipinas ay patuloy na nagpapakita ng pagsasama ng ating mayamang kasaysayan at makabagong pananaw. Mula sa tradisyunal hanggang sa modernong twist, hindi lang tayo basta nagluluto—tayo ay nagkukuwento.
Sa bawat pagkain, nararamdaman natin ang koneksyon sa ating kultura, habang pinapanday ang landas patungo sa mas global na pananaw ng Filipino cuisine.

Follow us on:

Facebook: DWAN 1206 AM
YouTube: @dwan.1206am
TikTok: @dwan1206am
Twitter: @dwan1206am_
Instagram: @dwan1206am
Digital TV: Channel 13