Kilala bilang ‘Tandang Sora’, si Melchora Aquino ay itinuring bilang “Ina ng Katipunan,” “Ina ng Himagsikan,” at “Ina ng Balintawak.”
Ang Pilipinang rebolusyonaryo, mayroong natatanging kwento na puno ng sakripisyo, katapangan, at paglaban para sa Inang Bayan.
Nagsimula ang lahat nang siya ay ikinasal kay Fulgencio Ramos, isang lider ng barangay. Sa kanilang pagsasama, nagkaroon sila ng anim na anak. Ang kanilang lupain ay nasa Banlat, malapit sa kasalukuyang Tandang Sora Avenue.
Sa kabila ng kanyang mahalagang papel sa kasaysayan ng Pilipinas, isang bagong pananaliksik ang nagbigay-diin sa kanyang tunay na edad, na nagpapatunay na siya ay ipinanganak noong Enero 6, 1836 at hindi taong 1812.
Isiniwalat ni Dr. Jim Richardson, isang iskolar ng Katipunan, na ang bagong impormasyon ay nakabatay sa isang tax list mula sa 1876 na naglalaman ng mga pangalan ng mga residente sa Caloocan.
“A tax list of residents (or vecindario) for Cabeceria No. 6, Pueblo de Caloocan, 1876, filmed at the Bureau of Public Records (now the National Archives) by the Genealogical Society of Utah in 1979 and now accessible online at Family Search, proves the 1812 year to be wrong,” wika ni Dr. Richardson.
Base sa listahan, nakasaad na si Tandang Sora ay 40 taong gulang noong panahong iyon.
Kung tama ang petsang 1812, siya ay magiging 84 taong gulang sa simula ng himagsikan noong 1896—isang edad na tila hindi kapani-paniwala para sa isang rebolusyonaryo na aktibong nakilahok sa laban para sa kalayaan.
Kung babalikan, si Melchora ay nagbigay ng suporta sa mga Katipunero mula sa kanilang pagkain hanggang sa pagpapahiram ng kanlungan sa loob ng kanyang tahanan.
Ang kanyang bodega ay naging lugar ng pagtitipon para sa mga Katipunero, kung saan ibinuhos niya ang lahat ng kanyang kayamanan upang matulungan ang mga kapwa Pilipino.
May isang kwento pa na nagsasabing pinakain niya ang mga Katipunero ng sinigang na kalabaw habang nagpa-plano ng kanilang susunod na hakbang laban sa mga Kastila.
Sa kabila ng kanyang pagiging ina at asawa, hindi siya natakot na ipaglaban ang kanyang bayan.
Pero ang kanyang sakripisyo, nauwi pa rin sa pagkakahuli niya noong Agosto 29, 1896 bago ipinatapon sa Guam.
Patuloy siyang nagpamalas ng lakas at katatagan para sa Pilipinas sa kanyang pagbabalik-bansa noong 1903.
May naging epekto ba ang maling impormasyon tungkol sa edad ni Tandang Sora?
Ayon kay Dr. Richardson, kung siya ay talagang ipinanganak noong 1812, magiging imposible ang pagkakaroon niya ng normal na buhay bilang ina at rebolusyonaryo.
Sa halip, ang bagong datos ay nagbibigay-diin sa katotohanan na siya ay mas bata at mas aktibo kaysa sa dati nating alam.
Sa kasalukuyan, si Tandang Sora ay inaalala hindi lamang bilang isang bayani kundi bilang simbolo ng pagmamahal para sa bayan.
Ang kanyang kwento ay nagsisilbing inspirasyon para sa mga kababaihan ngayon—na kahit anong edad, kasarian, o estado sa buhay ay may kakayahan makagawa ng pagbabago.
Ang pagkilala kay Tandang Sora ay hindi lamang dahil sa kanyang edad kundi pati na rin sa kanyang walang kapantay na dedikasyon para sa kalayaan at karapatan ng bawat Pilipino.
Sa bawat pagdiriwang ng kanyang kaarawan tuwing Enero 6, muling isinasalaysay ang kanyang kwento—kwento ng isang babae na mulat, malaya, at mapagpalaya. – VC