
Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan na mapataas pa ang palitan ng mamamayan at pagbisita sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia upang higit pang mapalakas ang ugnayan ng dalawang bansa.
“We also emphasized the importance of strengthening ties between our peoples with the hope of facilitating more seamless and frequent travel between our two countries,” saad ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Joint Press Conference kasama si Cambodian Prime Minister Hun Manet sa Peace Palace sa Phnom Penh.
Kinilala rin ng Pangulo ang mahigit 7,000 Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Cambodia, partikular sa larangan ng kalusugan, edukasyon, at development, na nagsisilbing “tulay” sa pagpapalalim ng koneksyon ng dalawang bansa.
Pinuri naman ni Prime Minister Hun Manet ang malaking kontribusyon ng Filipino community sa socio-economic development ng Cambodia at binigyang-diin ang patuloy na paglago ng people-to-people connectivity.
Ani Hun Manet, bukas ang Cambodia para sa mas maraming Pilipinong turista, negosyante, at mamumuhunan, na patunay ng matibay na pagkakaibigan at hangarin ng dalawang pamahalaan na paigtingin pa ang kooperasyon. –VC