
Matapos ang pagpanaw ni Pope Francis noong Abril 21, muling nakatuon ang atensyon ng buong mundo sa Vatican.
Bukod sa panahon ng pagluluksa, sentro rin ng usapan ang paghahanda para sa mahalagang proseso ng pagpili sa susunod na Santo Papa.
Kamakailan lamang, inilibing si Pope Francis sa Basilica of St. Mary Major sa Vatican, sa parehong lugar kung saan nakahimlay ang labi ng kanyang mga sinundan sa panunungkulan.
Sa nalalapit na pagpupulong ng mga cardinal para sa Conclave (ang lihim na halalan sa pagpili ng bagong pinuno ng Simbahang Katolika), na inaasahang magsisimula sa Mayo 5, ilang pangalan ang lumilitaw bilang mga posibleng maging susunod na Santo Papa.
Bagama’t walang opisyal na listahan ng mga kandidato, batay sa mga ulat mula sa religious correspondents at analysts, kabilang sa mga binabantayan ang mga sumusunod:
Cardinal Pietro Parolin
70, mula sa Italya, at kasalukuyang nagsisilbing Kalihim ng Estado ng Vatican, ang ikatlong pinakamataas na posisyon sa Simbahan.
Kilala siya sa kanyang husay sa diplomasya, na pinagtibay ng kanyang karanasan sa Latin America, partikular sa Venezuela, at sa Asya, sa pakikipag-ugnayan sa Vietnam at China.
Bagama’t sumusuporta sa mga adbokasiya ni Papa Francisco, itinuturing siyang mas konserbatibo at maingat sa mga isinusulong na pagbabago.
Cardinal Matteo Zuppi
Mula rin sa Italya, si Cardinal Zuppi, 69, Arsobispo ng Bologna, ay kilala sa kanyang mga makataong gawain at adbokasiya para sa kapayapaan, kabilang ang papel niya sa negosasyon sa digmaan sa Mozambique.
Noong 2023, itinalaga siya ni Papa Francisco bilang espesyal na sugo para sa peace mission sa Ukraine. Bukas siya sa diyalogo sa LGBTQ+ community.

Cardinal Luis Antonio “Chito” Tagle
Mula naman sa Pilipinas, si Cardinal Tagle, 67, dating Arsobispo ng Maynila at kasalukuyang pinuno ng Vatican Office for Evangelization, ay kinikilala bilang “Asian Francis” dahil sa kanyang pagiging mapagkumbaba at sa istilo ng pamumuno na kahalintulad ng kay Papa Francisco.
Dati rin siyang pinuno ng Caritas Internationalis bago sumailalim ang samahan sa reorganisasyon.
Cardinal Pablo Virgilio David
Isa pang Pilipinong kardinal, si Cardinal David, 66, Obispo ng Kalookan, ay kilala sa kanyang matapang na paninindigan laban sa karahasan at katiwalian sa Pilipinas.
Bagama’t bago pa lamang sa hanay ng mga kardinal, nakikita siya bilang bahagi ng umuusbong na impluwensya ng Asya sa Simbahan.

Cardinal Gérald Cyprien Lacroix
Mula sa Canada, si Cardinal Lacroix, 67, Arsobispo ng Quebec, ay may karanasan sa pamumuno sa isang sekular na lipunan.
Nagsilbi rin siya bilang miyembro ng Council of Cardinals, ang grupong tagapayo ni Papa Francisco.
Naharap siya sa alegasyon ng sexual misconduct ngunit napatunayang walang ebidensya laban sa kanya.
Cardinal Fridolin Ambongo Besungu
Sa Africa, namumukod-tangi si Cardinal Besungu, 65, Arsobispo ng Kinshasa sa Democratic Republic of Congo, na pinamumunuan ang mahigit pitong milyong Katoliko.
Kilala siya bilang matatag na tagapagtanggol ng karapatang pantao at demokrasya laban sa mga warlord at katiwalian.
Kabilang siya sa mga nagsusulong ng tradisyunal na turo ng Simbahan, kabilang ang pagtutol sa pagbabasbas ng same-sex couples.

Cardinal Joseph Tobin
Mula sa Estados Unidos, si Cardinal Tobin, 72, Arsobispo ng Newark, New Jersey, ay kilala sa kanyang pagiging makatao, mapagpakumbaba, at malapit sa mga migrante.
Mayroon siyang malawak na karanasan sa pamumuno sa Vatican at sa iba’t ibang misyon sa buong mundo.
Cardinal Robert Prevost
Isa pang Amerikanong kardinal, si Cardinal Prevost, 69, ay kasalukuyang pinuno ng Vatican Dicastery for Bishops, ang opisina na nangangasiwa sa pagtatalaga ng mga obispo sa buong mundo.
Tubong Chicago at miyembro ng Augustinian Order, matagal siyang naglingkod bilang misyonero sa Peru, dahilan upang makita siya bilang malapit sa mga Katoliko sa Latin America.

Cardinal Tarcisius Isao Kikuchi
Sa Asya, maingay din ang pangalan ni Cardinal Kikuchi, 66, Arsobispo ng Tokyo at pinuno ng Caritas Internationalis.
Kilala siya sa kanyang mahabang panahon sa serbisyo bilang misyonero sa Africa, partikular sa Ghana, at sa pagtulong sa mga refugee ng Rwanda.
Aktibo rin siyang tagapagtaguyod ng kampanya laban sa nuclear weapons.
Cardinal Michael Czerny
Mula naman sa Canada, si Cardinal Czerny, 78, pinuno ng Vatican Social Justice Office, ay lumaki bilang migrante mula Czechoslovakia.
Bago pa man ang kanyang paglilingkod sa Vatican, namuno siya sa human rights programs sa El Salvador at Africa.
Malapit siya kay Papa Francisco, ngunit nabibigyan ng pansin na pareho silang miyembro ng Society of Jesus (Jesuits).

Cardinal Cristóbal López Romero
Galing sa Spain, si Cardinal Romero, 72, Arsobispo ng Rabat, Morocco, ay kasapi ng Salesian order.
Kilala siya sa kanyang malawak na karanasan sa interfaith dialogue, lalo na sa pakikipagtulungan sa mga Muslim, at sa pagsuporta sa mga repormang sinimulan ng Simbahan sa pamamagitan ng synodal process.
Cardinal Jean-Claude Hollerich
Isa rin sa binabantayan si Cardinal Hollerich, 66, Jesuit na Arsobispo ng Luxembourg.
Malapit kay Papa Francisco, naging pangunahing lider siya sa mga synodal assembly, na nagsusulong ng mga pagbabago sa pamumuno at misyon ng Simbahan.
Marami siyang naging karanasan sa Japan at bihasa sa iba’t ibang wika.
Cardinal Péter Erdő
Mula naman sa Europa, si Cardinal Erdő, 72, Arsobispo ng Esztergom-Budapest sa Hungary, ay kilalang konserbatibo.
Maituturing siyang may suporta sa mga nais panatilihin ang tradisyunal na istruktura ng Simbahan, at malapit sa mga patakarang kontra-migrante ng kanyang bansa. –VC
