
Sa ika-8 ng Mayo, 2025, sa Vatican, tumunog ang kampana sa St. Peter’s Basilica at lumabas ang puting usok mula sa tsimenea ng Sistine Chapel, sensyales na may bago nang Santo Papa ang Simbahang Katolika.
Sa harap ng libu-libong mananampalatayang nag-aabang sa Vatican, sa wakas ay inanunsyo ng Cardinal Protodeacon na si Dominique Mamberti ang makasaysayang “Habemus Papam!” o sa Ingles ay “We have a Pope.”
Ang bagong halal, si Cardinal Robert Francis Prevost na isang pari mula Estados Unidos at pinili ang pangalang Pope Leo XIV.

Dalawang Araw ng Panalangin at Botohan
Ang eleksyon ng Santo Papa ay sinimulan noong ika-6 ng Mayo, dalawang linggo matapos pumanaw si Pope Francis noong Abril 21.
Sa loob ng dalawang araw, nagsama-sama ang 133 cardinals mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa isang makasaysayang conclave. Isinagawa ang pribadong botohan sa loob ng Sistine Chapel.
Matapos ang ilang balotang hindi nagtagumpay, sa wakas ay nakakuha ng sapat na boto si Prevost, at tinanggap ang posisyon bilang pinakamataas na lider ng Simbahang Katolika.

Kilalanin ang cardinal sa likod ng bagong Santo Papa
Si Cardinal Robert Francis Prevost, ngayo’y Pope Leo XIV, ay ipinanganak noong Setyembre 14, 1955 sa Chicago, Illinois.
Siya ay pumasok sa Order of Saint Augustine (OSA) noong 1977 at naging pari noong 1982.
Unang naging matematiko, pero kalauna’y nag-aral ng canon law o batas ng simbahan sa Roma, at inilaan ang malaking bahagi ng kanyang buhay bilang misyonero sa Peru, kung saan siya nagturo, namuno sa seminaryo, at naging obispo ng Chiclayo noong 2015.
Mula 2018 hanggang 2023, naging bahagi rin siya ng permanenteng konseho ng Peruvian Bishops’ Conference, na may mahalagang papel sa pagpapanatili ng katatagan sa politika ng bansa.

Kilala si Prevost sa pagiging tahimik ngunit mahusay makinig, at tagasuporta ng mga adbokasiya ng dating Pope Francis—partikular sa kapaligiran, kapakanan ng mahihirap at migrante, at pagbubukas ng simbahan sa mga makabagong pananaw.
Bago maging Santo Papa, itinalaga siya ni Francis bilang Prefect ng Dicastery for Bishops, isa sa mga pinakamakapangyarihang posisyon sa Vatican na humahawak sa pagtatalaga ng mga obispo sa buong mundo.

Hamon at Pag-asa
Bagama’t kinikilala ang mahabang karanasan ni Papa Leo XIV sa gawaing misyonero at pastoral, hinarap din niya ang ilang kontrobersiya kaugnay ng mga kaso ng pang-aabuso sa simbahan.
Batay sa The College Of Cardinals, may dalawang kasong naiugnay sa kanya sa nakalipas na mga taon, ngunit iginiit ng kanyang kampo na sinunod niya ang nararapat na proseso ayon sa batas ng Simbahan at hindi kailanman lumabag sa kanyang tungkulin.
Bakit “Leo XIV”?
Pinili ni Prevost ang pangalang Leo XIV bilang pag-alala at pagpapatuloy ng adhikain ni Pope Leo XIII, isang kilalang Santo Papa noong 1800s na nagtaguyod ng mga karapatang-paggawa, pagkakaisa ng simbahan at siyensiya, at panlipunang katarungan.

Ayon kay Pope Leo XIV, gusto niyang ipagpatuloy ang diwa ng pakikinig, pag-unawa, at pagiging bukas sa mundo.
Sa kanyang unang pagharap sa publiko mula sa balkonahe ng St. Peter’s Basilica nitong Mayo 8, 2025, binigkas niya ang mga salitang, “Peace be with you all.”
Tanda ng pagbati sa mga mananampalataya.

Ang pagkakahalal kay Papa Leo XIV ay itinuturing ng marami bilang pagbubukas ng bagong yugto ng Simbahan—isang lider na may karanasang lokal at pandaigdigan, simple ngunit matatag, at handang tumugon sa mga hamon ng makabagong panahon.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, inaasahan ng mga Katoliko sa buong mundo ang isang simbahan na higit pang lalapit sa tao, hindi sa trono, kundi sa lansangan ng paglilingkod. –VC