Asahan ang maulap na kalangitan at maulan na panahon ngayong Sabado at Linggo bunsod ng tatlong weather systems na umiiral sa bansa ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa 4:00 a.m. weather forecast, patuloy na magpapaulan ang Northeast Monsoon o Amihan sa Northern at Central Luzon partikular na sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at Aurora.
Bahagyang maulap na may kasamang mahihinang pag-ulan naman ang mararanasan sa Ilocos Region, Metro Manila at natitirang bahagi ng Central Luzon dahil pa rin sa Amihan.
Posible ring makaranas ng malalakas na pag-ulan ang Southern Luzon kabilang ang Quezon Province, Laguna, Rizal at Bicol Region dulot naman ng Shearline o pagsasalubong ng mainit at malamig na hangin.
Samantala, asahan ang makulimlim na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao lalo na sa hapon o gabi bunsod ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Sa 3-day forecast ng PAGASA, posibleng may mabuong low pressure area (LPA) sa silangang bahagi ng Visayas ngunit agad ding malulusaw at hindi nakikitang magiging isang ganap na bagyo.
Hinihikayat ang publiko na maging alerto sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon.