Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Miyerkules, Oktubre 2, ang Value-Added Tax (VAT) on Digital Services Law na magpapataw ng 12% VAT sa mga digital service providers (DSP) sa bansa.
Layon ng batas na ito na tiyaking patas ang ambag ng mga nag-o-operate na digital services sa ekonomiya ng Pilipinas.
Nilinaw din ng Pangulo na hindi ibig sabihin nito ay magtatakda ng bagong buwis dahil paiigtingin lamang ng batas ang pagiging responsable ng mga kumpanya sa pagbabayad ng buwis.
“With this law, we say that if your presence in the Philippine market is as real as your profits, then your tax responsibilities should also be equally tangible,” paliwanag ni Pangulong Marcos Jr.
“But make no mistake, we are not imposing new taxes, we are simply strengthening the authority and streamlining the process of the BIR to collect value-added tax on digital services,” dagdag niya.
Saklaw ng batas ang iba’t ibang digital services na ginagamit ng mga Pilipino, kabilang ang mga streaming platform gaya ng Netflix at Spotify, mga e-commerce site na Amazon at Lazada, gayundin ang mga video game at online advertising.
“Local business and international digital platforms now compete on equal terms. We no longer will be playing by different sets of rules. If you are reaping the rewards of a fruitful digital economy here, it is only right that you also contribute to its growth,” saad ng Pangulo.
Samantala, exempted naman sa batas ang digital educational services tulad ng online courses at webinars na alok ng private institutions at ang pagbebenta ng online subscription-based services para sa educational institutions na kinikilala ng ahensya ng pamahalaan — Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at mga state university and college.
Sa ilalim din ng bagong batas, ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay magkakaroon ng karapatan para suspindihin ang operasyon ng mga negosyo na hindi susunod sa pagbabayad ng buwis na siyang pamamahalaan naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) katuwang ang National Telecommunications Commission (NTC).
Ayon naman sa Department of Finance (DOF), posibleng umabot sa P101.12 billion ang makuhang buwis mula sa mga foreign DPS simula 2025 hanggang 2029 na inaasahang makatutulong din sa ekonomiya ng bansa. — AL