IBCTV13
www.ibctv13.com

De-kalidad, mas matibay na materyales sa infra projects, pinatitiyak ni Pangulong Marcos Jr.

Divine Paguntalan
164
Views

[post_view_count]

(Photo by DPWH)

Pinasisiguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng concerned agencies ng pamahalaan na gumamit ng de-kalidad at matibay na mga materyales para sa mga infrastructure project.

Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan nito upang masiguro na kakayanin ng mga imprastraktura ang anumang bagyo na daraan at manatiling ligtas ang mga Pilipino na gagamit nito.

“Sa DPWH, DOTr, DTI, at iba pang ahensya ng pamahalaan, tiyakin ninyong de-kalidad, ligtas, at matibay ang mga materyales na gagamitin sa pagpapatayo ng mga imprastraktura natin. Sa gayon, magtatagal at maaasahan ito anuman ang panahon,” pahayag ni Pangulong Marcos Jr.

Nais din ng Pangulo na gawing mas modernisado ang disenyo ng mga daan at tulay sa bansa dahil maaaring hindi na akma ang ‘durability’ ng mga kasalukuyang disenyo sa lumalalang epekto ng mga bagyo dulot ng climate change.

“Alam nating palakas nang palakas ang mga bagyo at palaki nang palaki ang pinsalang iniiwan nito. Kaya naman, ipinapatupad na natin ang mga makabagong disenyo para sa ating mga kalsada, para sa ating mga tulay,” dagdag niya.

Samantala, patuloy naman ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong sa mga komunidad na higit na naapektuhan ng nagdaang Severe Tropical Storm Kristine sa bansa nitong Oktubre. – VC