IBCTV13
www.ibctv13.com

P21-M halaga ng ayuda, hatid ni PBBM sa mga biktima ng sunog sa Tondo

Ivy Padilla
146
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. visited Rosauro Almario Elementary School and witnessed the distribution of government assistance by the Department of Social Welfare and Development (DSWD) and the Office of the President (OP) today, November 30. (Photo by Manila Mayor Honey Lacuna/Facebook)
Personal na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng P21-milyong halaga ng tulong sa higit 2,000 pamilya na nasunugan sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila ngayong Sabado, Nobyembre 30.

Nakatanggap ng tig-P10,000 halaga ang kabuuang 2,100 pamilya bukod pa sa ipinamahaging family food packs, blankets at sleeping mats.

Ang nasabing mga tulong ay sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) gayundin sa Office of the President (OP).

Sa kanyang mensahe, tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. na patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa mga local unit para maibigay ang pangangailangan ng mga nasunugan.

“Hindi po tayo titigil at gagawin [natin] lahat para tulungan kayo dahil alam naman po namin na kahit kayo’y nakangiti at malakas ang sigaw, marami po kayong iniisip kung paano alagaan ang inyong sarili, ang inyong mga pamilya, kung saan kayo uuwi. Alam po namin ‘yun,” saad ng Pangulo.

Nangako rin ang lider na magdadaos ito ng Christmas party para sa mga biktima sakaling hindi sila makauwi sa kani-kanilang tahanan bago sumapit ang Kapaskuhan.

“Pag kayo ay hindi pa namin naiuwi pagdating ng pasko, ako’y pupunta dito magpa-party, mag me-Merry Christmas tayo. Sama-sama. ‘Yan ‘yung pag udyok ko kay Mayor Lacuna,” ani Pangulong Marcos Jr.

Aabot sa 2,114 pamilya o katumbas ng 6,957 indibidwal ang nawalan ng tahanan dahil sa sunog na sumiklab bandang 8:02 a.m. sa Purok 1,2, at 3 ng Isla Puting Bato, Barangay 20, Zone 2 sa Tondo, Maynila noong Nobyembre 24.

Kasalukuyang tumutuloy ang ibang mga biktima sa Delpan Evacuation Center na personal ding binisita ng Pangulo ngayong araw.