
Muling nanindigan si Finance Secretary Ralph G. Recto na “legal, moral, and economically sound” ang hakbang ng pambansang pamahalaan na ipatupad ang mandato ng Kongreso na ibalik ang sobra at natutulog na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga kritikal na programang pangkalusugan at panlipunan upang mapakinabangan ng mga Pilipino.
Sa ikalimang oral argument sa Korte Suprema kaugnay sa mga petisyon na kumekwestyon sa constitutionality ng PhilHealth fund transfer, sinabi ni Recto na “We cannot, in good conscience, allow funds to languish in bank accounts as our nation’s needs multiply daily.”
“Not when the government is working non-stop to achieve its ultimate goal of cutting unemployment, creating more jobs, increasing Filipinos’ income, and bringing poverty down to a single digit or 9 percent by 2028,” dagdag niya.
Ani Recto, mahalagang gamitin ang sobrang pondo ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) para sa mahahalagang programang pangkalusugan at panlipunan upang mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya at hindi na magdulot ng malaking suliranin na pampinansyal sa bansa.
Sa katunayan, sinabi ni Recto na ang hakbang na ito ay nakalinya sa mga prinsipyo sa ilalim ng Medium-Term Fiscal Framework (MTFF) na bawasan ang fiscal deficit mula sa 8.6% ng gross domestic product (GDP) noong 2021 patungong 3.7% pagsapit ng taong 2028 habang binabawasan ang pambansang utang mula 60.9% ng GDP noong 2022 patungong 56.3% sa 2028.
Ito ay inaasahang magbibigay ng pinakamataas na benepisyo at doble-dobleng epekto para sa ekonomiya at sa sambayanang Pilipino.
“With PhilHealth’s remittance, we raised more funds without raising taxes and adding more borrowings that the next generation will inherit. We protected the people without punishing them,” paliwanag ng kalihim.
Kabilang din dito ang pagbubukas ng mas maraming trabaho, pagtaas ng kita, at pagpapababa ng antas ng kahirapan bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“[I]f the ruling [to return the money to PhilHealth] were for 2025, that will add a fiscal pressure to our deficit, and that would entail us not hitting our deficit targets this year. And if you miss that, then we may not attain our coveted credit rating upgrade that we foresee in the next 18 months,” paliwanag niya.
Ibinahagi rin niya ang tinatawag na “moral imperative” sa likod ng polisiyang ito kung saan tiniyak na walang kahit isang sentimo mula sa kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth ang nahawakan habang pinapalawak ang mga benefit package upang mabawasan ang gastos ng mga Pilipino.
“Kung hindi natin nasilip ang mga sobra-sobrang pondo ng PhilHealth, malamang hanggang ngayon ay nanatili itong natutulog. Sa katunayan, ang hakbang na ito ay nagtulak sa PhilHealth na mas palawakin at pagandahin ang kanilang serbisyo sa mamamayang Pilipino. This is the long term effect of this decisive policy,” saad ni Recto.
Ang sobrang pondo ng PhilHealth ay direktang napunta sa mga proyektong may kinalaman sa kalusugan
Samantala, binigyang-diin ni Recto na P60-B remittance ng PhilHealth mula sa P89.9-B labis na pondo, 78% ay ginamit upang tustusan ang mga kritikal na proyektong pangkalusugan.
“The 60 billion pesos that was returned didn’t vanish—it paid frontliners, built hospitals, and gave the poor access to medicine. Every centavo remitted was converted into service. That is fiscal justice,” pahayag ni Recto. – VC