IBCTV13
www.ibctv13.com

Pilipinas, malaki ang potensyal na maging ‘Asia’s superstar’ pagdating sa malagong ekonomiya – HSBC

Divine Paguntalan
192
Views

[post_view_count]

Nakikitaan ng global banking giant na HSBC ang malaking potensyal ng Pilipinas na maging ‘superstar’ na bansa sa buong Asya dahil sa inaasahang magandang paglago ng ekonomiya sa mga susunod na taon.

Isang konkretong indikasyon na posibleng mapasama ang bansa sa listahan ng mga nangungunang ekonomiya sa Asya ay ang projection ng HSBC na 6.7% Gross Domestic Product (GDP) para sa taong 2026.

“According to HSBC Global Research, growth in Philippine GDP is expected to reach 6.7% by 2026, potentially making it one of the region’s top performers in terms of growth,” saad ni Corrie Purisima, HSBC Philippines Head of Markets and Securities Services.

Ayon sa HSBC, isa sa mga pangunahing kalamangan ng Pilipinas ay ang mabilis na pagdami ng populasyon ng mga kabataan na nangangahulugan ng mas maraming manggagawa at konsyumer na magdadala ng mas mataas na demand sa mga produkto at serbisyo.

“This is further complemented by the fact that service exports continue to rise and even outpace the growth of international remittances, while foreign direct investments maintain a promising outlook with historic levels of foreign investments approved,” dagdag ni Purisima.

Bukod sa demographic advantage, nakatutulong din ang pag-unlad ng mga imprastraktura sa bansa sa ilalim ng “Build, Build, Build” program ng pamahalaan.

Kabilang dito ang pagkakaroon ng mga karagdagang kalsada at transportasyon na nagbukas ng oportunidad sa negosyo para sa mga probinsya at malalayong komunidad at mas produktibong trabaho ng mga Pilipino.

Gayunpaman, hindi isinasantabi ang mga hamon na kinakaharap ng Pilipinas ngunit patuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga hakbang gaya ng reporma sa buwis, pag-amyenda sa mga polisiya sa kalakalan, at paggawa ng mga bagong programa na magbibigay ng kaalaman at kasanayan para sa mga kabataan na magagamit upang makasabay sa ‘fast-paced changes’ sa ekonomiya.

“We’re optimistic about what we can do to collectively propel the Philippines from ASEAN’s ‘rising star’ to Asia’s ‘superstar,’” saad ni Sandeep Uppal, HSBC Philippines President and Chief Executive Officer. – VC