IBCTV13
www.ibctv13.com

PNP, nagsampa ng 3 kaso vs. VP Sara, security group, malakas ang ebidensya

Ivy Padilla
243
Views

[post_view_count]

PNP personnel filed multiple complaints against Vice President Sara Duterte and members of the Vice Presidential Security and Protection Group on Wednesday, November 27. (Photo by PNP)

Opisyal nang nagsampa ng patung-patong na reklamo ang Philippine National Police (PNP) laban kay Vice President Sara Duterte at ilang miyembro ng Vice Presidential Security and Protection Group (VSPG) sa Quezon City Prosecutor’s Office nitong Miyerkules, Nobyembre 27.

Ito ay matapos ang pagharang at pananakit ng VSPG sa isang miyembro ng pulisya nang ilipat si Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez sa Veterans Memorial Medical Center mula sa detention facility ng House of Representatives nitong Sabado, Nobyembre 23.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Jean Fajardo, naghain ang pulisya sa pangunguna ng Quezon City Police District (QCPD) ng tatlong (3) kaso laban kina Vice President Duterte, VSPG Head Colonel Raymund Lachica at dalawang iba pa.

Kabilang sa mga reklamo ang direct assault, disobedience to a person in authority, at grave coercions.

Malakas aniya ang ebidensya ng PNP na itinulak at pinagtabuyan ni VSPG Head Lachica ang pulis at doktor na si Ivan Jason Villamor na inatasang pangalagaan ang kalusugan at kapakanan ni Atty. Lopez.

“Naniniwala tayo na malakas ang ating ebidensya dahil itong mga video na nakita natin na sila mismo ang nagpakalat sa social media. Kitang kita doon kung paano pinagsabihan ng masasakit na salita ‘yung ating police at nagkataon andun po particularly si Lieutenant Col. Jason Villamor,” saad ni Fajardo sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon.

Una nang sinabi ng Bise Presidente na magsasampa ito ng kaso laban sa PNP kabilang ang kidnapping, robbery at disobedience.

Gayunpaman, nanindigan ang ahensya na walang nilabag na batas ang kapulisan at sumusunod lamang ito sa pakiusap ng House of Representatives.

“Yan naman po ay haharapin ng PNP hihintayin po natin yung official copy ng mga kasong isinampa nila laban sa ating mga kapulisan at bibigyan din po tayo ng pagkakataon na sagutin yan dahil naniniwala po tayo na yung mga naging aksyon ng ating kapulisan nung nakaraang Sabado ay bilang pagtugon sa pakiusap at request ng House of Representatives at wala po tayong viniolate na anumang batas,” ani Fajardo.

Nanawagan si Fajardo sa lahat ng police personnel na manatiling professional, apolitical at non-partisan sa gitna ng mga nangyayaring isyu sa bansa.

Nangako rin ito sa publiko na mananatiling tapat ang pwersa ng Kapulisan sa pambansang Konstitusyon.

“Makakaasa po kayo na magiging tapat po tayo. Maging mapagmatyag po tayo subalit huwag po tayo basta basta maniniwala sa mga lumalabas na balita na ang inyong PNP at Armed Forces of the Philippines ay inuudyukan para kumilos,” pagtitiyak ng opisyal. – VC