
Ngayong ipinagdiriwang ang National Slam the Scam Day, mahalagang maging mulat sa iba’t ibang uri ng panloloko na laganap sa bansa.
Patuloy ang pagdami ng mga scam na pangunahing intensyon ay makuha ang mga personal mong impormasyon, lalo na ang pinaghirapan mong pera.
Sa Pilipinas, higit na talamak ang SMS scam kung saan bawat araw ay maraming nabibiktima ng mga pekeng link.
Paano nga ba ito nangyayari at ano ang dapat gawin para maiwasan?
Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at iba pang eksperto sa cybersecurity, ginagamit ng scammers ang iba’t ibang paraan upang linlangin ang publiko, kabilang ang:
Phishing Scams – Kung saan sinusubukan ng scammers na nakawin ang iyong personal information.
SMS Hijacking – Gumagamit sila ng illegal websites upang makapagpadala ng text messages na tila galing sa isang legitimate bank o e-wallet provider.
Fake Urgent Messages – Pini-pressure ang mga biktima sa pamamagitan ng pekeng babala, gaya ng:
“May unauthorized transaction sa iyong account! I-click ang link para maiwasan ang pag-block.”
“Nanalo ka ng 100,000 pesos! I-click ang link para makuha ang premyo.”
Data Harvesting – Kapag na-click ang link, dadalhin ka sa isang pekeng website na kahawig ng tunay na platform, kung saan ilalagay mo ang iyong credentials. Kapag nangyari ito, makukuha ng scammers ang iyong account information.
Mga dapat tandaan upang hindi mabiktima
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at National Privacy Commission (NPC), narito ang mahahalagang paalala upang hindi mabiktima ng SMS scam:
- Huwag mag-click ng kahit anong link sa text message. Kahit pa mukhang galing ito sa isang lehitimong bangko o e-wallet, mas ligtas na dumiretso sa opisyal na app o website.
- Hindi kailanman nanghihingi ng password, PIN, o OTP ang bangko o e-wallet provider sa pamamagitan ng text.
- Magtaka kung may madaliang transaksyon. Karaniwan, ginagamit ng scammers ang fear tactics o pangakong malaking pera upang pilitin kang kumilos agad.
- Huwag magbigay ng impormasyon sa sinumang tumatawag na nagpapakilalang taga-bangko o e-wallet. Kung may tumawag at hinihingi ang iyong detalye, tumawag sa opisyal na customer service hotline upang kumpirmahin.
- I-report ang scam SMS sa tamang awtoridad.
Ano ang legal na aksyon laban sa SMS scammers?
Sa Pilipinas, may ilang batas na maaaring gamitin upang kasuhan ang mga scammer:
- Cybercrime Prevention Act of 2012 (Republic Act No. 10175)
Lumalaban sa online crimes tulad ng phishing, hacking, at iba pang cyber-related offenses. Ang sinumang mapatunayang may kasalanan ay maaaring makulong ng anim hanggang 12 taon at pagmultahin ng hanggang ₱500,000.
- Access Devices Regulation Act of 1998 (Republic Act No. 8484)
Ipinagbabawal ang paggamit ng pekeng website o access devices, upang manloko at magnakaw ng impormasyon. Ang mga mahuhuli ay maaaring makulong ng anim hanggang 10 taon at pagmultahin ng ₱10,000 hanggang ₱1,000,000.
- Data Privacy Act of 2012 (Republic Act No. 10173)
Pinoprotektahan ang personal na impormasyon ng isang tao laban sa ilegal na pangongolekta, paggamit, o pagbebenta ng data. Ang National Privacy Commission (NPC) ang nangunguna sa pagsisiyasat ng mga kasong ito.
- E-Commerce Act of 2000 (Republic Act No. 8792)
Lahat ng ilegal na online transactions, kabilang ang panloloko gamit ang SMS o phishing sites, ay may parusang pagkakakulong ng anim na buwan hanggang tatlong taon at multang ₱100,000 hanggang ₱500,000.
Batay sa datos ng National Privacy Commission (NPC) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), karamihan sa mga biktima ay nalilinlang dahil sa pagkakapareho ng mga pekeng mensahe sa lehitimong komunikasyon mula sa bangko o e-wallet providers.
Paalala ng mga awtoridad, huwag basta-basta mag-click ng hindi inaasahang link, huwag ibahagi ang personal na impormasyon, at agad i-report ang kahina-hinalang aktibidad sa tamang ahensya. – VC