Umakyat pa sa 10 ang bilang ng mga nasawi dahil sa patuloy na pananalasa ng Severe Tropical Storm Kristine sa Pilipinas ngayong Huwebes, Oktubre 24, ayon sa Office of the Civil Defense (OCD) sa isang situation briefing kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Walo (8) sa mga ito ay mula sa Bicol Region habang tig-isa (1) naman mula sa Ilocos Region at CALABARZON.
Ayon sa OCD, ang dahilan ng kanilang pagkasawi ay pagkalunod, nalaglag mula sa bubong ng bahay, pagguho ng lupa at nadaganan ng sanga ng mga puno.
May napaulat din na siyam (9) katao na kasalukuyang nawawala sa magkakaibang lugar sa bansa gaya ng La Union, Quezon, Camarines Sur, Masbate, at Cebu.
Dalawa (2) naman ang naitalang sugatan mula sa Camarines Norte at Southern Leyte.
Patuloy pa rin ang monitoring ng nasyonal at lokal na pamahalaan sa sitwasyon ng mga Pilipinong nasa apektadong lugar upang agaran na maibigay ang kanilang mga kinakailangang tulong.
Kasabay nito, iniulat ng DSWD na bago pa man tumama ang bagyo ay nakahanda na ang 170,000 family food packs (FFPs) sa Bicol Region, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag nang hintayin na dumating ang sakuna bago ihanda ang mga tulong.
Upang matiyak na sapat ito, magpapadala pa ang kagawaran ng karagdagang 100,000 FFPs para sa mga apektadong pamilya sa nasabing rehiyon. — IP