Iniulat ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac sa isang press briefing ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng repatriation para sa mga Pilipino sa Lebanon, kasabay ng tumitinding gulo sa pagitan ng Israel at rebeldeng grupong Hezbollah.
Kabilang sa mga inatasan ng Pangulo na maguna sa proseso ng pagpapauwi sa mga Pilipino ang mga ahensya ng DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of National Defense (DND).
“The President made clear in the meeting yesterday that first and foremost would be the safety and security…safe repatriation of Filipinos, OFWs in Lebanon who wish to be repatriated,” pahayag ni Cacdac.
Inaasahang 11 overseas Filipino workers (OFWs) ang uuwi sa Pilipinas sa darating na Sabado-Linggo ayon kay Cacdac.
Nasa 192 Pinoy naman ang naghahanda na sa pag-uwi ngunit wala pang detalyadong araw kung kailan.
Habang 413 sa mga apektado ang hindi pa napo-proseso ng Lebanese immigration authorities.
Tiniyak ng DMW na may apat na shelter na matutuluyan ang mga Pilipino sa Beirut. Aabot sa 179 Pinoy ang kasalukuyang nananatili rito.
Para sa katanungan, bukas ang 1348 Hotline, Lebanon Desk at DMW Facebook page para sa mga nais humingi ng tulong sa Lebanon.
Sa kasalukuyan, nasa Alert Level 3 ang estado sa bansa at sa oras na itaas sa Alert Level 4, saka pa lamang ipatutupad ang mandatory repatriation. — VC