Itinalaga ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang labinlimang (15) ospital na malapit sa apat na malalaking sementeryo sa Metro Manila bilang mga evacuation center sa nalalapit na Undas 2024.
Ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga indibidwal na dadalaw sa kani-kanilang mahal sa buhay sakaling magkaroon ng ‘untoward incident’ sa mga sementeryo.
Ayon sa MMDA, itinalaga bilang evacuation centers ang Jose Reyes Memorial Center, San Lazaro Hospital, Ospital ng Tondo, Chinese General Hospital, St. Jude Hospital at Mary Johnston Hospital para sa Manila North Cemetery.
Ang Ospital ng Makati, Makati Medical Center at St. Luke’s Medical Center ang itinakda para sa Manila South Cemetery habang ang Quirino at Amang Rodriguez Memorial Medical Center naman ang itinalaga sa Loyola Memorial Park.
Samantala, gagawin namang evacuation centers para sa mga mangangailangan ng atensyong medikal sa Manila Memorial Park ang Medical Center Paranaque City, Ospital ng Muntinlupa, Alabang Medical Center at St. Rita Hospital.
Tiniyak ng MMDA na handa ang mga nabanggit na ospital para magbigay serbisyo.
Nauna nang naglabas ng mga palatuntunan ang malalaking sementeryo upang masiguro ang payapa at maayos na paggunita ng araw ng mga patay.