Umabot sa 18 mga low pressure area (LPA) ang pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) na kalaunan ay namuo rin bilang bagyo ngayong taon, batay sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Adminstration (PAGASA) ngayong huling araw ng 2024, Disyembre 31.
Wala namang binabantayan na LPA ang PAGASA sa loob at labas ng PAR para sa unang linggo ng papasok na bagong taon ngunit makararanas pa rin ng ilang pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa dahil sa umiiral na tatlong (3) weather system – Northeast Monsoon, Shearline at Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Malaki ang tyansa ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan sa Mindanao, Eastern Visayas, Central Visayas, Negros Island, Albay, Sorsogon, Masbate at Palawan dahil sa ITCZ habang mararanasan din ang parehong panahon sa Batanes, Cagayan, at Apayao bunsod naman ng Shearline.
Amihan naman ang makakaapekto sa Northern Luzon partikular sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) kung saan magdadala ito ng bahagyang maulap na kalangitan na posibleng sabayan ng pabugsu-bugsong ulan.
Samantala, nakataas naman ang Yellow Rainfall Warning sa Albay, Sorsogon, Masbate, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, at Dinagat Islands bukas, Enero 1 kung saan posibleng maranasan ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Patuloy na pinag-iingat ng PAGASA ang publiko at manatiling naka-alerto sa anumang pagbabago sa lagay ng panahon ngayong bagong taon. – AL