IBCTV13
www.ibctv13.com

19% na taripa ng Estados Unidos sa mga produkto mula Pilipinas, hindi pa pinal — economic czar

Divine Paguntalan
164
Views

[post_view_count]

SAPIEA Secretary Frederick Go during a press briefing explaining the 19% tariff imposed by the United States to the Philippines. (Screengrab from RTVM)

Magpapatuloy pa ang serye ng negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos kaugnay ng 19% taripa na inaasahang ipapataw sa mga produktong ine-export ng Pilipinas papuntang Amerika.

Ito ay matapos bumaba ang dating inanunsyong 20% na taripa dahil sa pakikipagkasundo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay U.S. President Donald Trump sa kanyang produktibong working trip sa Washington D.C.

Bagaman ito ang naging huling pag-uusap bago magbalik-bansa ang Pangulo, nilinaw ni Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (SAPIEA) Secretary Frederick Go na wala pang pinal na desisyon sa usapin dahil pinag-aaralan pa ng dalawang bansa ang saklaw at detalye ng magiging kasunduan.

“The details are not yet final. The Philippines and the United States will still have to negotiate the details of the agreement, including products that are covered by market access commitments on both sides,” saad ni Go sa isang press briefing.

Dagdag ni Go, sisiguraduhin ng pamahalaan na hindi maaapektuhan ang mga ‘concession’ gaya ng asukal, mais, bigas, manok, isda at seafood upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.

Isa rin sa mga binigyang-linaw ng kalihim na ang taripa na sisingilin ay para sa mga Amerikanong importer at buyer ng mga produkto mula sa Pilipinas, hindi sa mga Pilipinong exporter o manggagawa.

“Importante ito dahil kapag mababa ang ating taripa, makaka-attract po tayo ng mga foreign direct investors in the Philippines para magtayo ng mga pabrika, magtayo ng mga negosyo sa Pilipinas para makapag-export ng kanilang mga produkto sa America,” dagdag niya.

Habang wala pang pinal na kasunduan, tiniyak ng pamahalaan na patuloy ang konsultasyon sa mga eksperto at mga stakeholder para tiyaking protektado ang interes ng sambayanang Pilipino. – VC

Related Articles

National

Hecyl Brojan

95
Views