Naghahanda na ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para sa inaasahang dagsa ng mga pasaherong babiyahe para sa Undas 2024.
Batay sa datos ng PITX, posibleng pumalo sa 2,417,691 ang foot traffic simula Oktubre 21 hanggang Nobyembre 5 kung saan mula Oktubre 30-31 ang posibleng maging ‘busiest days’.
Sa pagtatantsa ng terminal, posibleng umabot sa 158,955 ang bilang ng mga pasaherong babiyahe sa darating na Oktubre 30 at 175,042 naman para sa Oktubre 31.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang PITX sa Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para matiyak na magiging ligtas at banayad ang biyahe ng mga pasahero pauwi sa kanilang mga probinsya sa Undas.
Mayroon nang 752 requests na natanggap ang LTFRB para sa special permit na magpapahintulot sa mga sasakyan na bumiyahe simula Oktubre 25-Nobyembre 10 sa lahat ng terminal sa Metro Manila.
Magsasagawa naman ang LTO ng inspeksyon sa mga public facility at mga public utility vehicles (PUVs) upang matiyak na ligtas na magagamit sa mga biyahe.
Samantala, magde-deploy naman ang DOTR ng karagdagang mga tauhan na magbabantay sa daloy ng trapiko sa paligid ng terminal.
Ang MMDA naman ay magde-deploy ng ambulansya para sa posibleng emergency case sa PITX habang magdaragdag ang PNP ng mga tauhan para sa seguridad at kaayusan sa terminal pati na ang paglalagay ng public assistance desk.
“With the collaboration of key government agencies, we are confident in our ability to handle the surge and provide quality service to every passenger,” pagtitiyak ni Jason Salvador, PITX Corporate Affairs and Government Relations Director.
Hinihikayat naman ng pamunuan ng PITX ang mga biyahero na maagang magtungo sa mga terminal upang matiyak na magiging maayos ang kanilang biyahe. – VC