IBCTV13
www.ibctv13.com

20% tax na ipapataw sa mga perang nakadeposito sa bangko, walang katotohanan! – Malacanang

Ivy Padilla
184
Views

[post_view_count]

Screengrab from Palace Press Briefing today, July 18.

Pinabulaanan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang agam-agam ng marami patungkol sa napapabalitang 20% na buwis na ipapataw umano sa mga perang nakadeposito sa bangko.

Paliwanag ni Castro, ang 20% tax ay ipapataw sa interes na kinikita ng mga pera sa bangko at hindi mismo sa savings ng isang depositor.

“Ang papatawan ng buwis ay hind savings kundi ang interes na kinikita sa ating savings,” ani Castro.

Una nang nilinaw ng Department of Finance (DOF) na hindi ito bagong buwis dahil taong 1998 pa lamang ay mayroon nang 20% tax sa mga deposito sa bangko alinsunod sa Tax Reform Act of 1997.

Ang kaibahan lang ngayon, tatanggalin na ang ‘preferential rates’ sa mga deposito na lock-in sa mas matagal na maturity o ang mga indibidwal na nag-avail ng long-term investment at walang balak na mag-withdraw sa loob ng limang taon.

Sa madaling salita, itatama lamang sa ilalim ng Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA) ang hindi pantay at lumang sistema dahil pumapabor ito sa mayayaman.

Hinihikayat ng Palasyo ang publiko na huwag matakot at maalarma sa nasabing polisiya sa ilalim ng CMEPA. – VC

Related Articles