
Nagkaloob ang Office of Civil Defense (OCD) Region VI ng 2,000 sako ng bigas sa Pamahalaang Panlalawigan ng Capiz bilang bahagi ng kanilang patuloy na paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Tino.
Pinangunahan ni OCD Region VI Regional Director Raul E. Fernandez ang pag-turnover kay Atty. Shiela Artillero, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Capiz.
Layunin ng nasabing tulong na mapalakas ang food relief stockpile ng probinsya at matiyak na may sapat na suplay ng pagkain ang mga maaapektuhang residente sa oras ng sakuna.
Sinilip din ni Fernandez ang mga paghahanda ng Roxas City CDRRMO at Panitan MDRRMO, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maagang pre-emptive evacuation, mahigpit na pagsunod sa safety protocols, at maagang pag-activate ng mga response mechanisms.
Tiniyak ng OCD Region VI na patuloy itong makikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan sa Western Visayas upang matiyak ang mabilis at sama-samang pagtugon sa epekto ng bagyo. (Ulat mula kay Robert Salazar Nem) –VC











