
Matatanggap na ng mga guro at empleyado ng Department of Education (DepEd) ang kanilang Performance-Based Bonus (PBB) para sa Fiscal Year 2023, ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman.
Ipinahayag ni Pangandaman na napatunayang kwalipikado ang DepEd matapos ang masusing deliberasyon, bilang pagkilala sa malaking ambag ng mga guro sa pagpapalakas ng sistema ng edukasyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kinumpirma rin ni House Committee on Appropriations Chair Mikaela Angela Suansing na nakatakdang magpulong ang Technical Working Group para sa Executive Order No. 61 sa Setyembre 30, Martes, upang pormal na maglabas ng resolusyon na magbibigay-daan sa pamamahagi ng bonus.
Batay sa Memorandum Circular No. 2023-1, kailangang makakuha ang DepEd ng hindi bababa sa 70 puntos sa apat na pamantayan: Performance Results, Process Results, Financial Results, at Citizen/Client Satisfaction Results, upang ganap na makatanggap ng nasabing benepisyo. –VC