Itinuturing ni House Committee on Appropriations Chair at Ako Bicol party list Representative Zaldy Co ang 2025 General Appropriations Act (GAA) bilang isa sa pinakamahirap na panukalang batas na kanilang tinutukan sa Kongreso.
Sa isang panayam, idinetalye ni Rep. Co na hindi lamang iilang tao ang nagdedesisyon ng pondo taliwas sa mga akusasyon laban sa kanila ni House Speaker Martin Romualdez.
Sa halip, masusing pinag-aralan ang proseso ng GAA 2025 mula sa antas ng mga komite, pagbobotohan sa plenaryo at isinusumite sa bicameral conference committee para pag-isahin ang bersyon ng Senado at Kamara.
Ipinaliwanag ng kongresista na naging mahirap ang 2025 GAA dahil sa tumataas na bilihin bunsod ng mga pandaigdigang suliranin kaya dapat maging maingat sa pag-a-angkop ng pondo alinsunod sa pangangailangan ng mga Pilipino.
“Pag tinignan mo ang budget talagang laging kulang [dahil] grabe ang inflation natin. Masyadong mataas ang bilihin, worldwide, hindi naman ito kasalanan ng ating administration,” paliwanag ni Co.
“Kami yung nasa baba, kami yung dapat nakakaintindi sa taumbayan so kailangan namin mai-address yung inflation,” dagdag niya.
Binigyang-diin pa niya na ang trabaho ng mga kongresista ay tiyaking nakasalamin sa pondo ang pangangailangan ng publiko kung saan ang mga proyektong pang-imprastraktura ay dapat may kaugnayan sa pagpapababa ng presyo ng pagkain upang matugunan ang pangako na abot-kayang pagkain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino.
Samantala, iginiit ni Co na makatarungan lamang ang reallocations at pagbabawas ng pondo sa mga ahensya kung hindi ito nagagamit nang tama para sa taumbayan.
Sa kabila ng mga hamon, tiniyak ng kongresista na gagawin ng Kongreso ang lahat upang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino at hindi magiging hadlang ang mga pambabatikos na wala namang katotohanan. – VC