Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapatupad ng ikalawang bahagi ng salary increase para sa mga civilian government workers ngayong Enero.
Alinsunod ito sa Executive Order No. 64 na nilagdaan ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 2024.
“As part of the President’s promise, we are rolling out the second phase of the salary increase this January. We hope that this will provide much-needed financial relief and help our government employees improve their quality of life,” saad ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Nakasaad sa EO No. 64 na ipatutupad ang salary adjustment sa apat na bahagi: Enero 2024, Enero 2025, Enero 2026 at Enero 2027.
Sakop ng dagdag-sahod ang lahat ng civilian government personnel kabilang ang mga nasa Executive, Legislative at Judiciary Branches, Constitutional Commissions, State Universities and Colleges, at ilang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) na hindi nakailalim sa Republic Act (RA) No. 10149 at EO No. 150, s. 2021.
Kasama rito ang mga regular, casual, at contractual na manggagawa gayundin ang mga appointive o elective, full-time, o part-time.
Para sa mga sakop na GOCCs, ang dagdag-sahod ay babayaran mula sa kanilang corporate operating budgets, na kailangang aprubahan ng DBM.
Samantala, hindi naman kasama ang mga ahensya ng pamahalaan na exempted sa Republic Act No. 6758, at GOCCs na sakop ng RA No. 10149 at EO No. 150, s. 2021 pati na ang mga consultant, job order workers at iba pang walang employer-employee relationship.
Inaasahan na magbibigay ng pinansyal na ginhawa ang naturang dagdag-sahod para sa mga empleyado ng gobyerno upang mas masuportahan ang kanilang mga pamilya at mapabuti ang kalidad ng kabuuang pamumuhay. – AL