Nakaranas ng tatlong (3) ashing events at 17 volcanic earthquakes ang Kanlaon Volcano sa Negros Island batay sa 24 oras na pagmamanman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Kasabay nito, naglabas din ang bulkan ng 3,244 toneladang asupre at nagbuga ng 500 metrong taas ng abo na maituturing na malakas na pagsingaw at napadpad sa direksyong timog-kanluran.
Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa apat na kilometrong radius permanent danger zone (PDZ) ng Kanlaon, gayundin ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.
Nagbuga rin ng 1,256 toneladang asupre na may ‘upwelling’ ng mainit na volcanic fluids sa lawa ang bulkang Taal sa Batangas.
Bukod pa ito sa 900 metrong taas ng abo na napadpad patungong timog-kanluran.
Samantala, dalawang (2) volcanic earthquakes ang naitala ng Phivolcs sa Bulusan Volcano habang naglabas naman ng 490 toneladang asupre ang bulkang Mayon.
Nananatili sa Alert Level 2 ang Kanlaon habang nakasailalim pa rin sa Alert Level 1 ang Bulusan, Mayon at Taal.