
Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paglulunsad ng tatlong bagong programa ngayong 2026 na layong maibalik at mapalakas ang pag-asa ng mga pamilyang Pilipino.
Una na rito ang Psychosocial Support and Other Interventions for Adolescent Mothers and their Families Project, o mas kilala bilang ProtecTEEN.
Ang programang ito ay nakatuon sa pagbibigay ng psychosocial support sa mga batang ina at kanilang pamilya upang matugunan ang mga hamon na kanilang kinahaharap, at matulungan silang maging aktibong miyembro ng lipunan.
Kabilang din sa mga bagong programa ng ahensya ang Project Aruga, isang community-based program na naglalayong suportahan ang mga batang may kapansanan sa pamamagitan ng tulong-pinansiyal at iba pang serbisyong panlipunan.
Ipapatupad din ngayong taon ang Project SAFE, isang inisyatiba na layong protektahan ang mga kabataan mula sa mapanganib na online activities.
“Makakaasa kayo na ang DSWD ay patuloy na magtatrabaho para masigurado natin na ang pag-asa ay mamamayani sa ating mga pamilyang Pilipino. Sa darating na 2026, excited kami dahil may mga bago na namang programa ang DSWD na ilulunsad,” saad ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Tiniyak naman ng kalihim na magpapatuloy ang DSWD sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyong maghahatid ng tulong at pag-asa sa mga pamilyang Pilipino sa buong bansa ngayong 2026. – VC











