IBCTV13
www.ibctv13.com

3 katao, napaulat na nawawala dahil sa bagyong Kristine – NDRRMC

Divine Paguntalan
3478
Views

[post_view_count]

Houses in Bato, Camarines Sur have already submerged in flood caused by heavy rains from Tropical Storm Kristine (Ree Tabagan/Facebook)

Pinaghahanap ngayon ang nasa tatlong katao na napaulat na nawawala bunsod ng pananalasa ng bagyong Kristine sa Bicol Region batay sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang 8:00 a.m. ngayong Miyerkules, Oktubre 23.

Kinukumpirma pa ng ahensya ang pagkakakilanlan ng mga nasabing indibidwal habang may isa rin na naitalang sugatan.

Umabot na sa 77,910 pamilya o katumbas ng 382,302 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa Region V, VI, VIII at IX.

Iniulat din ng NDRRMC na nasa 57 ang kabuuang bilang ng mga kabahayan na nasira dahil sa Tropical Storm Kristine kung saan 49 dito ay ‘partially damaged’ habang walo (8) ang tuluyang nawasak.

Samantala, 3,095 pamilya na ang nailikas mula sa kani-kanilang mga tahanan at kasalukuyang nananatili sa 306 evacuation center na nakakalat sa apat na rehiyon.

Sa 11:00 a.m. weather update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maraming lugar pa rin sa bansa ang nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 at 2:

Nagbigay na ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lahat ng concerned agencies na tutukan ang sitwasyon sa mga rehiyong daraanan ng bagyo upang mabigyan ng agarang tulong o aksyon ang mga komunidad na higit na naapektuhan.

As of October 22, may kabuuang P3,088,742,324.91 na standby-fund at relief goods ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Office of Civil Defense (OCD) —VC

Related Articles