IBCTV13
www.ibctv13.com

300-K mahihirap na Pilipino, natulungan ng Food Stamp program noong 2024 – DSWD

Ivy Padilla
89
Views

[post_view_count]

Food Stamp Program beneficiaries in Palo, Leyte. (Photo by DSWD)

Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umabot sa 300,000 food-poor Filipinos ang natulungan ng ‘Walang Gutom Food Stamp Program’ ng ahensya sa nagdaang 2024.

Sa isang news forum nitong Sabado, Enero 11, tiniyak ni DSWD Undersecretary Edu Punay na magtuluy-tuloy ang pagtugon ng kagawaran sa gutom at malnutrisyon ngayong 2025.

“We’re scaling it up, last year we already on-boarded 300,000 out of the one-million target so tuluy-tuloy iyon,” saad ni Punay.

Target ng DSWD na makapagserbisyo sa karagdagang 300,000 mga benepisyaryo ngayong 2025 at 400,000 naman sa taong 2026 upang makumpleto ang target na isang milyon.

Taong 2023 nang ilunsad ng administrasyong Marcos Jr. ang Food Stamp Program kung saan nakatatanggap ng P3,000 halaga ng food credits kada buwan ang mga mahihirap na Pilipino sa buong bansa.

Upang marami pang matulungan, naglunsad din ang ahensya ng ‘Walang Gutom Kitchen’ nitong Disyembre 2024 sa Pasay City.

Katuwang ang private organization na ‘Kain Tayo Pilipinas’, layon ng nasabing food bank program na makapaghatid ng pagkain sa mga indibidwal na nagugutom sa lansangan.

Kabilang sa mga benepisyaryo nito ang Families and Individuals in Street Situation (FISS), gayundin ang mga low-income workers at employees na hirap makakain nang sapat kada araw.

“Anyone na basta nagugutom – mayroon din iyong mga construction worker na mga low income, walang pambili ng pagkain, iyong mga empleyadong low income, mga residente na walang pambili ng pagkain. They can just walk in there. Open iyong kitchen to everyone na nagugutom,” saad ni Punay.

Ayon kay Punay, target ng DSWD na mapalawak ang Walang Gutom Kitchen sa mga probinsya ngayong taon, partikular na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Leyte, Samar, at Bicol Region.

 

Related Articles