IBCTV13
www.ibctv13.com

312 paaralan, napinsala ng Uwan; Bicol at CALABARZON, lubhang naapektuhan

216
Views

[post_view_count]

Aftermath of Super Typhoon Uwan in Pingad National High School in Sabangan, Mountain Province. (Photo from Mountain Province DRRM Office)

Iniulat ng Department of Education (DepEd) na hindi bababa sa 312 pampublikong paaralan ang nagkaroon ng pinsala sa kanilang imprastraktura kasunod ng bagsik ng Super Typhoon Uwan, kung saan kabilang ang Bicol at CALABARZON sa mga rehiyong pinakamatinding naapektuhan.

Ayon sa Situation Report ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) noong Nobyembre 10, 12nn, 1,182 silid-aralan ang nakaranas ng bahagyang pinsala, 366 ang malubhang nasira, at 261 naman ang tuluyang nasira. Patuloy pa rin ang beripikasyon ng mga datos habang dumarating ang karagdagang ulat mula sa mga tanggapan ng rehiyon at dibisyon.

Kasabay ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng ahensya na maging handa at tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan, tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara sa mga apektadong komunidad na nakatuon ang DepEd sa agarang proteksyon ng mga estudyante, guro, at kawani ng paaralan, pati na rin sa learning continuity kapag ligtas at maayos na.

“Mabigat ang pinagdadaanan ng ating mga guro, magulang, at mag-aaral sa nagdaang Bagyong Uwan at Tino. Nakikiramay tayo sa ating mga kababayan at tinitiyak namin sa DepEd na kasama ninyo kami sa bawat hakbang ng pagbangon at muling pagbuo ng pag-asa sa bawat silid-aralan,” ani Secretary Angara.

Naitala sa Bicol, CALABARZON, at Cordillera Administrative Region (CAR) ang may pinakamataas na bilang ng nasirang silid-aralan dahil kay Uwan.

Iniulat din ng DepEd na 5,572 silid-aralan sa 1,072 paaralan sa 11 rehiyon ang kasalukuyang ginagamit bilang evacuation centers, pansamantalang tinutuluyan ang mga pamilyang lumikas. Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng departamento sa mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Councils (DRRMCs) para sa mabilis na pagsusuri at koordinasyon ng tulong.

Upang matugunan ang agarang pangangailangan sa pagbangon, nakapagtakda ang DepEd ng pondo na ₱20.2 milyon para sa paglilinis at clearing operations, at ₱57.9 milyon para sa minor repairs.

Dagdag pa ni Angara, inuuna rin ng DepEd ang implementasyon ng Alternative Delivery Modes (ADMs) sa mga paaralang pansamantalang sarado dahil sa mga nakaraang bagyo at iba pang kalamidad. Naipamahagi na ang pondo sa mga rehiyon para sa paggawa ng learning packets at lesson guides sa ilalim ng Dynamic Learning Program (DLP) at iba pang ADM modalities.

Ayon sa DepEd, titiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral at guro habang nagpapatuloy ang ganap na beripikasyon ng mga pinsala.