Mariing kinondena ng 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army (PA) ang paghagis ng granada ng hindi pa nakikilalang armadong grupo sa kanilang Madia Detachment sa Brgy. Madia, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur bandang 7:30 p.m. nitong Sabado, Marso 15, na nagresulta sa pagkakasugat ng apat na sundalo.
Ayon kay Lt. Col. spokesperson Roden Orbon, kasalukuyang binabantayan ang kalagayan ng mga nasugatang sundalo sa isang ospital.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mga lokal na awtoridad at intelligence units upang matukoy at mapanagot ang nasa likod anila’y duwag na pag-atake.
Kasabay nito ay nagpaabot ng dasal ang PA sa mga biktima at kanilang pamilya.
“Kasama sa aming mga dasal at pag-aalala ang mga sugatang sundalo at kanilang pamilya. Patuloy na maninindigan ang 6ID sa tungkulin nitong pangalagaan ang kapayapaan at seguridad sa Central at South-Central Mindanao,” saad ni Orbon.
Samantala, nanawagan din si Orbon sa publiko na manatiling mapagmatyag at ipaalam sa awtoridad kung may impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon.
“Mananatiling committed ang 6ID na protektahan ang mga komunidad sa Maguindanao del Sur at tiyaking mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, lalo na sa panahon ng Ramadan,” pangako ng opisyal