IBCTV13
www.ibctv13.com

439,000 indibidwal at pamilya, nakinabang sa 2024 programs ng DSWD

Jerson Robles
151
Views

[post_view_count]

Many people gathered for the launch of the DSWD’s Walang Gutom Kitchen in Pasay City. (Photo from DSWD)

Iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may higit 439,000 indibidwal at pamilya ang nakinabang mula sa kanilang mga makabagong programa ngayong 2024.

Ayon kay DSWD Asst. Secretary Irene Dumlao, ang bilang na ito ay patunay sa kanilang pangako na magbigay ng inklusibo at makabagong serbisyo sa social welfare, lalo na para sa mga pinakamahirap na sektor ng lipunan.

Noong 2023, inilunsad ang Tara, Basa! Tutoring Program na may layuning tulungan ang mga nangangailangang kolehiyo at incoming Grade 2 students. Sa ikalawang taon ng programa, nakapagbigay ito ng cash-for-work (CFW) sa 10,608 college students at nakatulong sa 62,418 grade school students.

Sa ilalim naman ng Walang Gutom Program (WGP), nagpatuloy ang DSWD sa pagbibigay ng P3,000 buwanang tulong pinansyal sa mga benepisyaryo.

Hanggang Disyembre 16, umabot na sa 300,000 households ang natulungan ng programa na may layuning bawasan ang insidente ng gutom sa bansa.

Nagsagawa rin ang DSWD ng Pag-Abot Program upang maabot ang mga pamilyang nasa lansangan kung saan nitong Disyembre 27, may 2,696 pamilya at 818 bata ang naabutan ng suporta.

Ang lahat ng ito, pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nangakong patuloy na magbibigay ng iba’t ibang klase ng tulong para sa mamamayan.

Sa katunayan, layunin ng DSWD na palawakin pa ang mga inisyatibong ito hanggang 2025 upang mas maraming Pilipino ang makinabang. – VC

Related Articles