
Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pag-aalis ng 45-day benefit limit sa pagsagot sa medical services partikular sa ilang mga kondisyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking hindi maaantala ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino.
Ayon kay PhilHealth Acting President at CEO Dr. Edwin M. Mercado, ang 45-day limit ay isang lumang cost-containment strategy na hindi na angkop sa kasalukuyang panahon.
“Naiintindihan natin kung bakit ito inilagay noon, ngunit, sa pagbabago ng ating payment mechanism, napapanahon na rin talagang repormahin ito. We cannot always predict or schedule our medical needs,” paliwanag ni Dr. Mercado.
“Marami ring mga serbisyo ang kinakailangan ng higit sa 45 days na coverage. Kaya naman nagpapasalamat tayo sa PhilHealth Board for approving this policy update,” dagdag niya.
Bagaman inalis na ang 45-day limit, binigyang-diin ng state health insurer na ang pag-avail ng benepisyo ay dapat nakabatay sa mga sumusunod:
– Medical necessity at tamang treatment plan
– Mga itinakdang Clinical Practice Guidelines (CPGs) ng DOH at PhilHealth
– Quality standards na nakasaad sa PhilHealth Circulars
Samantala, bago pa ang pag-alis ng limitasyong ito, pinalawak na rin ng PhilHealth ang hemodialysis package mula sa 90 sessions patungong 156 sessions.
Sa ngayon, mas maraming pasyente ang makikinabang sa walang limitasyong bilang ng araw ng pagpapaospital na kinakailangan para sa kanilang kalusugan. – IP