
Kasunod ng pananalasa ng nagdaang Super Typhoon Uwan, maraming bansa ang agad na nagpaabot ng tulong at pakikiisa sa Pilipinas bilang bahagi ng disaster relief at recovery efforts.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, nakikipag-ugnayan na ang iba’t ibang bansa sa Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa koordinasyon ng humanitarian aid.
Kabilang sa mga nangako ng pagtulong ang Estados Unidos, India, Singapore, Timor-Leste, at Japan. Sa ngayon, naglaan na ang US ng $1 milyon para sa relief operations sa bansa matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino nitong nakaraang linggo.
Samantala, nagsilbing relief hubs ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa ilalim ng kasunduan ng Pilipinas at Amerika para sa repacking, distribution, at medical missions.
Ang Timor-Leste naman ay nagpadala na ng 120 engineers at firefighters para tumulong sa rehabilitasyon. (Ulat mula kay Christel Delfin) –VC











