Kumpirmado na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pagkasawi ng limang (5) indibidwal mula sa 12 katao na napaulat na nasawi mula sa nagdaang Super Typhoon Pepito.
Patuloy naman ang verification ng ahensya sa pagkakakilanlan ng pito (7) pang biktima.
Sa pinakahuling datos ng NDRRMC, aabot na sa 939,936 na pamilya o katumbas ng 3,507,920 indibidwal ang naitalang naapektuhan ng Typhoon Nika, Super Typhoon Ofel at Pepito mula sa Regions I, II, III, V, CALABARZON, MIMAROPA at National Capital Region (NCR).
Pumalo rin sa 51,921 ang nasirang kabahayan sa mga nasabing rehiyon kung saan 9,099 dito ay ‘totally damaged’ habang 42,822 ang ‘partially damaged’ dahil sa bagyo
Samantala, unti-unti naman na ang pagbaba ng bilang ng mga nananatili sa mga evacuation center mula sa iba’t ibang rehiyon kung saan mula sa 442,857 nitong Miyerkules, Nobyembre 20 ay nasa 429,852 na lamang ang bilang nito ngayong araw.
Sa tala ng NDRRMC, pumalo na sa P226,782,311.473 ang kabuuang halaga ng ayuda na naipamahagi sa mga nasalantang Pilipino, kabilang na rito ang food packs, medical assistance at financial assistance na maaari nilang magamit sa pagsasaayos ng kanilang nasirang tahanan at pangkabuhayan. – AL