IBCTV13
www.ibctv13.com

50% discount sa pamasahe sa MRT-3 at LRT-2, ipatutupad simula Marso 23 – DOTr

Kristel Isidro
133
Views

[post_view_count]

Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3). (Photo courtesy of DOTr)

Magandang balita ang hatid ng Department of Transportation (DOTr) sa mga komyuter dahil simula Lunes, Marso 23, magpapatupad ang ahensya ng 50% na diskwento sa pamasahe sa MRT-3 at LRT-2 bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagaanin ang araw-araw na biyahe ng mga Pilipinong komyuter sa pamamagitan ng pagbawas sa pasahe lalo na tuwing may krisis.

Ayon kay DOTr Secretary Giovanni ‘Banoy’ Lopez, malaki ang maitutulong ng diskwento upang makatipid ang mga pasahero, partikular ngayong nakakaranas ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo dahil sa nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.

Dagdag pa ng kalihim, malaki ang matitipid ng mga bumabyahe kung gagamitin ang mga tren sa halip na magdala ng sariling sasakyan dahil mababawasan ang pagkonsumo ng krudo.

Mananatiling umiiral ang 50% discount para sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWD), at mga estudyante na gumagamit ng white beep cards.

Samantala, pwede namang gamitin ng mga regular na pasahero ang blue beep cards upang awtomatikong makuha ang diskwento.

Para sa mga walang beep card, maaari pa ring makabili ng single journey tickets na may katumbas na 50% discount.

Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan pa ang DOTr sa pamunuan ng LRT-1 upang mapalawig ang parehong diskwento sa naturang linya, na pinamamahalaan ng pribadong kumpanya na Light Rail Manila Corporation. – IP