Mayorya ng mga Pilipino ang pabor na muling sumali ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research.
Ayon sa Tugon ng Masa Survey na isinagawa noong Abril 22 hanggang 24, lumalabas na 57% ng mga Pilipino ang sang-ayon sa pagbabalik ng bansa sa ICC, habang 37% ang tutol, at 6% ang hindi tiyak sa kanilang posisyon.
Ipinakita sa resulta ng survey na malakas ang suporta sa Metro Manila, Luzon, at Visayas, kung saan 60% ng mga tumugon ay pabor sa nasabing hakbang.
Samantala, Mindanao ang nakapagtala ng pinakamalaking pagtutol, kung saan 66% ng mga tumugon ang hindi sang-ayon, at 30% lamang ang pabor.
Nasa 85% naman na may hustong gulang ang pamilyar sa ICC.
Halos kalahati ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang edad at antas ng kabuhayan ang sumusuporta sa panukalang pagbabalik.
Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 katao na may edad 18 pataas, at may ±3% margin of error sa 95% confidence level.
Matatandaang umatras ang Pilipinas mula sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatag sa ICC noong 2019, sa ilalim ng administrasyong Duterte.