
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 60-araw na suspensyon ng rice importation simula Setyembre 1, 2025, bilang hakbang upang bigyang-proteksyon ang mga lokal na magsasaka sa gitna ng panahon ng anihan.
Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez ang balita kasunod ng naging pakikipagpulong ng Pangulo sa mga miyembro ng kanyang gabinete habang nasa gitna ng state visit sa India.
Ayon sa PCO, layunin ng pansamantalang paghinto ng importasyon na mapatatag ang presyo ng palay sa lokal na merkado at masigurong hindi malulugi ang mga Pilipinong magsasaka.
“Right now, the decision is to suspend all rice importation for 60 days beginning Sept. 1. ‘Yan po ang utos ng ating mahal na Pangulo para matulungan ang ating mga magsasaka ng bigas,” saad ni Gomez.
Nang tanungin naman ang Pangulo patungkol sa posibilidad na taasan ang taripa sa imported rice, sinabi nitong hindi pa ngayon ang tamang panahon upang pag-usapan ito.
Tinitiyak ngayon ng administrasyon na may sapat na buffer stock ang bansa at walang dapat ikabahala ang publiko.
Kasabay nito ay tinututukan ng mga kinauukulang ahensya ang pagpapatibay ng food security at kapakanan ng mga magsasaka upang masiguro na sapat ang kanilang kinikita habang patuloy sa pag-produce ng sapat na suplay na bigas at iba pang pangunahing produkto sa bansa. – VC