Tuluyan nang lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Leon bandang 1:30 a.m. ngayong Biyernes, Nobyembre 1, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Humina ang naturang bagyo bilang isang Severe Tropical Storm na huling namataan sa layong 550 kilometro North Northwest ng Itbayat, Batanes at patungo nang East China Sea as of 5:00 a.m. ngayong araw.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin malapit sa gitna na 100 kilometer per hour (km/h) at pagbugsong umaabot hanggang 140 km/h habang kumikilos sa direksyong Northward sa bilis na 20 km/h.
Ayon sa PAGASA, wala na itong magiging direktang epekto sa bansa ngunit patuloy na magpapaulan ang buntot o ‘trough’ ng bagyo sa western section ng Luzon.
Sa ngayon, walang nakikitang sama ng panahon ang weather bureau sa loob at labas ng PAR sa mga susunod na araw.
Inaasahan naman na isa (1) hanggang dalawang (2) bagyo ang posibleng pumasok sa PAR ngayong Nobyembre na papangalanan bilang Marce at Nika. -AL