Nasa pitong (7) katao ang napaulat na namatay dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Pepito sa bansa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Paglilinaw ng NDRRMC, ang bilang ng mga indibidwal na napaulat na nasawi mula sa nagdaang bagyo ay vina-validate pa rin ng ahensya kaya wala pang tukoy na pagkakakilanlan ang mga ito.
Samanta, umabot naman sa 23 indibidwal ang kumpirmadong nagtamo ng sugat kung saan karamihan sa mga ito ay lalaki.
Sa tala ng ahensya, umabot na sa 495,788 pamilya o katumbas ng 1,810,190 indibidwal ang bilang ng mga apektado ng mga nagdaang bagyo.
Nananatili pa rin sa evacuation centers ang 453,809 na apektadong indibidwal mula sa Regions I, II, III, V, CALABARZON, MIMAROPA at National Capital Region (NCR).
Apektado rin ang 11,759 kabahayan na nasira mula sa bagyong ito bukod pa sa pinsala nito sa 54 imprastraktura na nagkakahalaga ng P469,847,274.36.
Batay din sa datos ng NDRRMC, 781 na mga magsasaka at mangingisda ang apektado nito kung saan aabot sa 412.66 ektarya ng lupaing sakahan ang nasira habang P8,640,199.46 naman ang halaga ng pinsala nito sa sektor ng agrikultura.
Puspusan naman ang pagkilos ng pamahalaan, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin pa ang pagbibigay ng tulong at rebuilding efforts ng concerned government agencies at lokal na pamahalaan upang makabangon agad ang mga pamilyang nasalanta ng sunud-sunod na dumaang bagyo.
Sa ngayon, pumalo na sa P54,036,473.85 ang kabuuang halaga ng assistance na ipinamahagi ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. – AL