IBCTV13
www.ibctv13.com

8 Pinoy seafarers na biktima ng Houthi attack, nakauwi na sa bansa

Hecyl Brojan
138
Views

[post_view_count]

Eight Filipino crew members of MV Eternity C have returned to the Philippines and were welcomed by several government agencies. (Photo from OWWA)

Ligtas at nakauwi na sa bansa ang walong Pilipinong tripulante na nasagip sa barkong MV Eternity C, matapos atakehin ng Houthi rebels sa Red Sea noong Hulyo 7, ayon sa kumpirmasyon ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Ang kanilang repatriation ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking ligtas ang mga Pilipino na namamalagi o nagtatrabaho sa mga lugar na may tensyon o kaguluhan.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, unang dumating sa Jizan Port, Saudi Arabia ang mga marino nitong Hulyo 15, bago sila agad inasikaso ng mga kinatawan ng pamahalaan para sa kanilang ligtas na pagbabalik sa Pilipinas.

Bago pa man makauwi, nakatanggap na ng agarang tulong ang mga seafarer mula sa Migrant Workers Office (MWO), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Philippine Consulate General sa Jeddah, na bahagi rin ng kautusan ng Pangulo.

Tiniyak naman ng pamahalaan ang tuloy-tuloy na suporta para sa kanila, kabilang ang tulong pinansyal mula sa Action Fund ng Department of Migrant Workers (DMW), Emergency Repatriation Fund ng OWWA, at mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), medical assistance mula sa Department of Health (DOH), at reintegration support sa ilalim ng National Reintegration Network (NRN) ng Department of Transportation (DOTr), upang matulungan ang mga marino na makapagsimulang muli sa bansa.

Samantala, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa pamilya ng 13 pang seafarers na nananatili sa barko.

Binigyang-diin naman ni Castro na mananatiling naka-alerto ang pamahalaan sa sitwasyon sa Red Sea at handang maglunsad ng karagdagang aksyon para sa kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat. –VC