Mayorya o 84% ng mga Pilipino ang nagpahayag ng suporta sa mga inisyatiba ng pamahalaan para protektahan at ipaglaban ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea, batay sa Tugon ng Masa (TNM) survey ng OCTA Research.
Nakapagtala ng 90% approval rating ang pamahalaan mula sa mga respondente sa Metro Manila, na sinundan ng Visayas (87%), Mindanao (83%), at Balance Luzon (81%).
Lumabas din sa pag-aaral ng OCTA na 91% ng mga Pilipino ang mataas ang kamalayan ukol sa isyu sa WPS.
Isinagawa ang naturang survey mula Nobyembre 10 hanggang 16, 2024 saklaw ang kabuuang 1,200 respondente.
Una nang nanindigan ang National Security Council (NSC) na hindi hahayaan ng Pilipinas ang mga iligal na aktibidad ng China sa katubigang sakop ng bansa.
Ito ay matapos makumpirma ang patuloy na paglalayag ng China Coast Guard (CCG) vessel 5901 o tinaguriang ‘monster ship’ sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Sa hiwalay na pahayag, binigyang-diin ng National Maritime Council (NMC) na malinaw na paglabag sa Philippine Maritime Zones Act at international law, partikular na sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 arbitral ruling ang ginagawa ng China.
“The Philippine government has been vigilant and unwavering in upholding the country’s sovereignty, sovereign rights, and jurisdiction within its maritime zones,” saad ng NMC.