Umabot na sa siyam (9) na katao ang napaulat na namatay dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Pepito sa bansa kamakailan, batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Hanggang ngayon ay patuloy pa rin itong bineberipika ng ahensya kaya hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Bukod dito ay mayroon ding apat (4) na indibidwal ang napaulat na nawawala habang 11 katao naman ang kumpirmadong nagtamo ng injury dahil sa mga bagyong Nika, Ofel at Pepito.
Sa ngayon, tumaas pa sa 820,831 ang pamilya o katumbas ng 3,031,171 indibidwal ang naitalang apektado ng kalamidad mula sa Regions I, II, III, V, CALABARZON, MIMAROPA at National Capital Region (NCR).
Samantala, nabawasan naman na ang mga nanunuluyan sa evacuation centers kung saan mula sa 453,809 nitong Nobyembre 19 ay bumaba na ito sa 442,857 ngayong araw, Nobyembre 20.
Patuloy din pinaiigting ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtutok ng concerned agencies at local government units (LGUs) para sa mabilis na pagbangon ng mga komunidad na nasalanta.
Kaugnay nito, nasa P143,029,819.39 ang halaga ng iba’t ibang klase ng ayuda na naipamahagi na sa mga apektadong rehiyon sa bansa at inaasahang madaragdagan pa ito, alinsunod sa utos ng Pangulo. – AL