Dumating na sa Pilipinas ang air assets ng Singapore at Malaysia para tumulong sa disaster response at humanitarian efforts sa mga rehiyon na lubos naapektuhan ng nagdaang Severe Tropical Storm (STS) Kristine.
Bandang 1:38 p.m. nitong Sabado, Oktubre 26 nang lumapag sa Villamor Airbase sa Pasay City ang C-130 aircraft ng Republic of Singapore Air Force (RSAF).
Alas-2:39 ng hapon naman nang dumating sa bansa ang Eurocopter EC725 transport helicopter ng Royal Malaysian Air Force (RMAF).
Personal na sinalubong ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro ang dalawang military aircraft kasama sina Malaysian Ambassador Dato Abd Malik Castelino, Singaporean Ambassador Constance See, at Philippine Air Force (PAF) Commanding General Lt Gen Stephen Parreño.
Binigyang-diin ni Defense Sec. Teodoro na malaking bagay ang pagdating ng mga military aircraft ng kaibigang bansa para sa ginagawang humanitarian mission sa mga naapektuhan ng bagyo, partikular na sa Bicol region.
Nagpapakita aniya ito ng mas tumitibay at lumalakas na bilateral relations ng Pilipinas sa Singapore at Malaysia na bunga rin ng kasunduan sa pagitan ng mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na magtulungan sa panahon ng kalamidad at sakuna.