Isang American vlogger na nanunuluyan sa Zamboanga del Norte ang dinukot ng isang armadong grupo na binabantayan na ngayon ng Police Regional Office-Zamboanga Peninsula (PRO-9).
Sa ulat ng PRO-9, Oktubre 17 bandang 11:00 p.m. nang dukutin si Elliot Onil Eastman, 26 anyos mula sa Vermont State sa Estados Unidos, ng apat na indibidwal sa Barangay Poblacion, Sibuco sa Zamboanga del Norte.
Nagtangka pa umanong lumaban ang biktima mula sa mga suspek na pwersahang pumasok sa kanyang tirahan bago siya nabaril sa binti at tuluyang isinakay sa isang motorboat.
Mayroon nang tinitingnan na persons of interest ang PRO-9 na posible umanong nasa likod ng pagdukot sa banyaga.
“We are validating leads to ensure we are tracking the right group to build an airtight case against them,” saad ni PRO-9 director Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding.
In-activate na rin ang Critical Incident Management Task Group (CIMTG) para sa imbestigasyon ng pandurukot kay Eastman kasabay ng joint intelligence operation ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon pa kay Masauding, nakikipag-ugnayan na ang Anti-Kidnapping Group-Mindanao Field Unit sa mga kaanak ng biktima.
Dagdag niya, may Sub-Task Group Quick Reaction Team naman ang nagsasagawa ng mga checkpoint sa lugar.
“The safety of the victim remains the top priority and all available resources are being mobilized to resolve the situation swiftly and effectively,” saad ni Masauding.
Nitong Sabado, Oktubre 19 ay nagtungo ang Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Sibuco upang tumulong sa imbestigasyon at paghahanap kay Eastman.
Limang buwan nang naninirahan si Eastman sa Zambo kasama ang kanyang napangasawang residente roon.
Sa ngayon ay hindi pa rin tumatawag ang mga suspek sa kaanak ng biktima at wala pa ring ‘demand’ mula sa kanila. – VC