Lalakas pa ang Northeast Monsoon o Amihan sa susunod na tatlong araw kung saan makaaapekto ito sa malaking bahagi ng Luzon kasama ang Metro Manila, batay sa 4:00 a.m. weather update ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Dahil dito makararanas ng maulap na kalangitan na may kasamang mahinang pag-ulan ang mga lugar sa Northern Luzon partikular na sa Cordillera Administrative Region (CAR), Cagayan Valley at Aurora.
Patuloy naman ang epekto ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa Mindanao kung saan inaasahan ang maulap at kalat-kalat na pag-ulan sa malaking bahagi ng pulo habang panaka-nakang pag-ulan naman sa Visayas dahil sa localized thunderstorms.
Samantala, magiging maaliwalas naman ang panahon sa Metro Manila ngunit mayroon pa ring posibilidad ng mahina at panandaliang pag-ulan pagdating sa hapon o gabi bunsod din ng localized thunderstorms. – AL