Opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng Cold Dry Season o Amihan season sa Pilipinas nitong Martes, Nobyembre 19.
Ito ay magdadala ng malakas na ‘northeasterly winds’ sa bansa at magdudulot ng unti-unting paglamig ng ‘surface air temperature’ sa Luzon.
Batay sa 4:00 a.m. weather forecast ngayong Miyerkules, Nobyembre 20, kasalukuyang nakakaapekto ang Northeast Monsoon o hanging Amihan sa Extreme Northern Luzon, partikular na sa bahagi ng Batanes.
Samantala, patuloy namang nagdudulot ng kaulapan sa silangang bahagi ng bansa ang Easterlies o hangin na nanggagaling sa Karagatang Pasipiko.
Ayon sa PAGASA, ang pagsasalubong ng Northeast Monsoon at Easterlies ay nagreresulta sa Shear Line na posibleng magdulot ng pag-ulan sa Extreme Northern Luzon ngayong araw.
Sa ngayon, wala nang binabantayang low pressure area (LPA) ang weather bureau sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Asahan ang maaliwalas na panahon sa malaking bahagi ng bansa maliban na lamang sa mga panaka-naka at panandaliang buhos ng ulan sa hapon o gabi.
Hinihikayat naman ang publiko na maging alerto at handa sa anumang pagbabago sa lagay ng panahon. – AL