Inihayag ni Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather specialist Benison Estareja na posible nang ideklara ang Northeast Monsoon o ‘Amihan Season’ pagkatapos ng pananalasa ng mga nagdaang bagyo sa bansa, partikular na ang Typhoon Pepito.
Sa isang eklusibong panayam, nilinaw ni Estareja na nasa paligid lamang ng bansa ang Amihan.
“Actually ‘yong Amihan naman, nandiyan na lang e. Nandiyan na sa paligid natin. Nando’n na sa may Taiwan, Southern China,” saad ni Estareja.
Aniya, hindi lang ito nakakaabot sa bansa dahil sa mga bagyo na nakaharang sa dinaraanan nito sa Northern Luzon.
Gayunpaman, sinabi ng weather expert na posible na itong maranasan anumang oras.
“Ine-expect natin na habang mawawala ang ating weather disturbances, posible, anytime, magkaroon na muli tayo ng Amihan at makakaranas na ulit ng pagbaba ng temperatura at mababang tsansa ng thunderstorms ang malaking bahagi ng Luzon ,” ani Estareja.
Inaasahang mas marami pang lugar sa Luzon at Visayas habang ilang parte rin ng Mindanao ang makararanas ng Amihan pagsapit ng unang kwarter ng 2025. – AL