
Isang Filipina ang gumawa ng kasaysayan bilang unang babaeng nagtapos sa prestihiyosong unibersidad ng Harvard Law School (HLS) sa United States,
Sa isang social media post, kinilala ng Harvard University si Erlinda Arce Ignacio Espiritu bilang unang babaeng nakatanggap ng law degree mula sa HLS noong 1951.

Naging inspirasyon ni Espiritu ang mga kuwento ng “Knights of the Round Table” (isang grupo ng mga matapang at marangal na mandirigma ni King Arthur), upang tahakin ang landas ng abogasya.
“The Knights were always defending the defenseless, and I thought, how could I do that?” aniya.
Bago pumasok sa Harvard, nagtapos si Espiritu ng law degree sa Manuel L. Quezon School of Law sa Maynila at naging isa sa unang mga babaeng abogado sa bansa noong 1947.
Sa isang panayam ng HLS Bulletin noong 2007, inamin ng Filipina lawyer na hindi naging madali ang kanyang pag-aaral sa Harvard.
Matapos mag-aral sa kolehiyo, agad siyang sumabak sa isang malaking hamon nang italaga siya ng Korte Suprema bilang defense lawyer ng isang bilanggo na hinatulan ng death penalty noong 1959, kahit walang karanasan sa criminal law.
Dumating ang 1960s at iniwan ni Espiritu ang legal na propesyon upang pamahalaan ang kanilang negosyo sa Mindoro.
Sa loob ng mahigit tatlong dekada, pinamunuan niya ang isang rural bank na tumutulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pautang para sa maliit na negosyo, pabahay, at edukasyon. Sa kabila nito, sinisingit niya ang pag-aalok ng libreng serbisyong legal hanggang 2006, bago sumailalim sa isang operasyon dahil sa brain cancer.
Noong 2007, sa edad na 82, bumalik si Espiritu sa Harvard bilang guest of honor sa isang Masters of Law dinner.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan niya ang naturang unibersidad para sa oportunidad na mapalalim pa, hindi lamang ang kanyang kaalaman sa batas, pati na rin ang kanyang malasakit sa kapwa.
Ngayong International Women’s Month, isang malaking pagpupugay ang iniaalay kay Erlinda Espiritu, isang babaeng Pilipina na nagbukas ng pinto para sa iba pang kababaihang nangangarap maging abogado sa pandaigdigang entablado.