
Sa mundo ng social media, maraming pamilya ang nagsisilbi ngayong inspirasyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang mga kwento, saya, at karanasan.
Isa na rito ang The Blackman Family, isang Filipino-Australian family na mabilis na sumikat dahil sa kanilang heartwarming at relatable content.
Pero sino nga ba sila, at ano ang dahilan kung bakit minahal sila ng maraming netizens?
Sino ang The Blackman Family?
Ang pamilya ay binubuo nina Jeraldine Blackman, isang Filipina mula sa Cavite, at ng kanyang Australian husband na si Joshua Blackman.
Kasama ang kanilang dalawang anak na sina Jette at Nimo, ibinabahagi ng The Blackman Family ang kanilang buhay bilang isang internet interracial family na puno ng saya, kulitan, at pagmamahal.
Dahil sa kanilang natural na approach sa vlogging, agad nilang nakuha ang atensyon ng netizens.
Sa kasalukuyan, mayroon na silang 5.5 million followers sa Facebook, 3.2 million sa Instagram, at 3.7 million naman sa Tiktok.
Ano ang kwento ng kanilang content?
Ang The Blackman Family ay kilala sa kanilang nakakaaliw at wholesome content na umiikot sa mga sumusunod na tema:
Family Adventures – Ibinabahagi ng interracial family ang kanilang travel experiences, bonding moments, at simpleng family activities na nagpapakita ng saya ng pagiging isang pamilya.
Parenting and Real-Life Struggles – Hindi lang puro kasiyahan, tinatampok din ng pamilya nina Jeraldine at Joshua ang hamon ng pagiging magulang. Ipinapakita nila ang reyalidad ng pagpapalaki sa mga bata, mula sa kakulitan hanggang sa pagsasanay sa kanila na maging independent.
Intercultural Exchange – Bilang isang Fil-Aussie family, madalas nitong ipakita ang pagsasama ng dalawang kultura: mula sa pagkain, wika, at tradisyon.
Isa sa pinakasikat nilang content ay ang pagtuturo ni Jeraldine kay Joshua ng wikang Filipino at pagkain ng putaheng Pinoy.
Life Lessons and Motivation – Mahalaga sa kanila ang pagpapakita ng tunay na buhay–may saya, may hirap, pero laging may pag-asa. Dahil dito, maraming viewers ang nakaka-relate at kumukuha ng inspirasyon sa kanilang kwento.
Nitong Biyernes, Pebrero 21, ikinagulat ng The Blackman Family followers ang anunsyo ni Jeraldine sa isang emosyonal na video ng hiwalayan nila ng kanyang asawa na si Josh.
Binigyang-diin ng Pinay na nananatili silang magkaibigan ni Josh at patuloy na magiging magulang sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng co-parenting.
“Josh and I have separated. We’re good friends. I just know that he is a good person and he is the best father that Jette and Nimo could ever have,” wika ni Jeraldine.
Pinasalamatan din niya ang kanilang mga tagasuporta sa loob ng tatlong taon at humingi ng paumanhin para sa hindi inaasahang balita.
Sa kabila ng pagbabago, ang kanilang kwento ay paalala na ang tunay na pamilya ay hindi nasusukat sa estado ng relasyon, kasama na rin ang tibay ng pagmamahal para sa mga anak upang matatag na harapin ang responsibilidad bilang magulang. – VC